Friday, December 10, 2010

Monumento ng Dating Presidente Cory Aquino Masisilayan na!

Ngayong araw, kasabay ng ika-77 kaarawan ng yumaong presidente na si Cory Aquino ay masisilayan na ang kanyang monumento sa corner ng P. Burgos Drive and Roxas Blvd. sa Maynila. Pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagpapasinaya ng nasabing simbolo ng kontribusyon ng yumaong presidente sa demokrasya ng Pilipinas. Kung matatandaan ay si Cory ang kaunaunahang naging presidenteng babae ng bansa at humamon sa dating diktador na si Marcos upang mabawi ang kalayaan ng Pilipinas.
Ang nasabing monumento ay naglalarawan ng paglaban ni Cory sa panahon ng batas militar. Makikita ang popular niyang Laban sign at ang 1987 constitution na kanyang sinimulan pagkatapos siyang ihirang na pangulo ng bansa.

Si Eduardo Castrillo ang iskultor ng nasabing “memorial shrine” at si Manila Mayor Alfredo Lim ang personal na gumastos upang maisakatuparan ang paggawa ng nasabing monumento. Nabalita din na maaring gawing bayani ng bansa si Cory Aquino.


Opinion:

Iniluklok sa kapangyarihan ng bayan ang bagong pamahalaan ni Cory Aquino.
Bilang pagtubos sa pangako at panaginip ni Ninoy Aquino, nilansag ang diktaturya, ibinalik ang demokrasya at lahat ng mga karapatan at kalayaan ng mga mamamayan. Ang klima ng takot ay inalis. Kinalag ang busal na inilagay ni Marcos sa malayang pagsasalita at pamamahayag. Naging malaya ang mga pahayagan, radio, at television.
Ngunit para kay Ninoy Aquino, ang kalayaan at demokrasya ay higit sa pagkakabilanggo, pagkakapiit, at pagkakaroon ng tanikala. Walang tunay na kalayaan at bigo ang demokrasya kung ang mga mamamayan ay alipin ng karukhaan - walang sapat at maayos na pagkain para sa lahat, walang trabaho ang may kakayahan at ibig magkaroon ng hanap-buhay, walang disenteng pabahay, at ang bayan ay biktima pa rin ng mga katiwalian at masasamang pamamahala ng kanilang mga inihalal na lider.
Para kay Ninoy, ito ay mahahalagang sangkap ng tunay na kalayaan at demokrasya. Ipinaglaban ang mga ito ni Cory ngunit hindi siya lubusang nagtagumpay. Ipinaglaban din ito ng lahat ng mga sumunod sa kanya sa panguluhan ngunit pawang nabigo. Ito pa rin ang "battlecry" ng administrasyon ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kung hindi tayo lalaya sa mga ito, alipin pa rin tayo sa sarili nating bayan. Bigo pa rin ang demokrasya at isa itong naka-babangungot na panaginip lamang!
Sikapin nating lahat - kayo, ako at tayong lahat, na maging karapat-dapat sa kalayaang pinanaginip, ipinaglaban, at pinagbuhusan ng dugo ni Ninoy Aquino - ang dakilang martir ng kalayaan!